Minsan sa isang isang maalinsangang gabi ng Mayo, una kitang nasilayan.
Mula sa simpleng kumustahan, ang magkita'y napagkasunduan...
Sa unang ngiti mo pa lang puso ko'y lumukso.
Sa paglulan mo sa aking awto, panandaliang tumigil ang aking mundo.
Di ko maintindihan kung bakit...
Ang kadalasang matabil na dila'y biglang napinid.
Sa ating simpleng talakayan, bakit nga ba ako'y nauutal?
Ang aking maliksing isipa'y biglang napapagal?
Aking nilimi: "Nahanap ko na ba ang aking katapat?"
"Siya na ba ang taong pag-aalayan ko ng pagsintang tapat?"
"O mahabaging Diyos, salamat sa pagkakataon!"
"O maunawaing langit, pahabain mo sana itong matamis na panahon!"
O kay sarap sa kalooban na sa unang pagdatal
Ang dambana ng simbahan pa ang ating hinarap!
Tila bagang tayo'y nagsusumamo sa Maykapal
Na basbasan ang pagtitinginan nang lumawig pa't sumarap.
Sa tindi ng pagdarasal, para nga ring narinig
Ng mapagpalang Poon ang aking taimtim na dalangin
Ang maikling pagkikita'y nadagdagan pa, di lang ilang saglit;
Bagkus ilang oras ng pagsasama't pagmamasid sa mukha mong marikit.
Umuwi akong nag-uumapaw ang kalooban ng saya;
At pasasalamat sa tadhanang pumukaw sa lungkot ng pag-iisa.
Di pa man din tumatagal na mawalay sa iyo, puso ko na'y nangungulila
Di makatulog sa gabi't nananabik sa muli nating pagkikita.
Isang linggo ang lumipas, isang linggong tigib ng pag-ibig;
Isang linggong nahumaling sa pagsintang mainit.
Isang linggong may matamis na panaginip sa maluwat kong pag-idlip;
Isang linggong buhay ko'y nalagay sa tahimik.
Ngunit sadya nga sigurong ito'y hiram na sandali...
Ang matamis na paghimbing, natatapos din sa huli.
Ang matagal mong katahimikan, nakabibingi't puno ng pighati.
Ang pagtangis ng aking puso'y maya't maya at muli't muli.
Minsan sa isang maalinsangang gabi ng Mayo, una kitang nasilayan.
Sa isang maalinsangang gabi ng Mayo din ba ang katapusan?
Di nga ba't sa una nating pagkikita'y tayo ay binasbasan?
Upang tayo'y tumibay at tumagal ang samahan?
Paalam...